UMABOT na sa 48 locally stranded individuals (LSIs) na namalagi sa Rizal Memorial Stadium ang nagpositibo sa rapid test sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Dahil dito, nakatakdang isailalim sa isang araw na lockdown ang stadium upang magsagawa ng decontamination o disinfection sa buong lugar.
Matatandaan na umabot sa libo-libong LSIs ang dumagsa sa stadium sa layong makapagpa-rapid test at makauwi sa kani-kanilang mga rehiyon.
Sa tulong ng Hatid Tulong program ay unti-unti na rin naihatid ang LSIs sa kani-kanilang probinsiya katuwang ang Philipine Coast Guard (PCG).
Ayon kay Asec. Joseph Encabo ng Hatid Tulong Program, kabilang sa sasailalim sa dekontaminasyon ang buong complex kabilang ang baseball at track stadium.
Sa kasalukuyan, wala ang LSIs sa stadium matapos makaalis ang huling batch na nasa 1,017 nitong Huwebes ng umaga pauwing Zamboanga Peninsula.
Maging ang mga empleyado ng Philippine Sports Commission na nagtratrabaho sa complex at personnel ng Manila Department of Public Services, kailangan din lisanin ang lugar para sa gagawing sanitation.
Sa ngayon, naghihintay ng resulta ng kanilang swab tests ang mga nagpositibo sa rapid anti-body test. (VV)