TINUPOK ng apoy ang isang commercial area sa Bambang Street, Maynila, nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Fire Senior Superintendent Geranndie Agonos, District Fire Marshall ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dalawang malalaking warehouse building na nagsisilbing bodega sa 19 establisimiyento ang natupok.
Sa report, pawang mga tela, laruan, medical supplies at furniture ang laman ng warehouse na pagmamay-ari ng isang Xu Jing Feng.
Nagsimula ang sunog 10:44 pm na itinaas sa ikatlong alarma dakong 11:30 pm hanggang idineklarang fire under control dakong 2:30 am.
Hindi pa batid ang sanhi ng sunog na lumamon sa 19 bodega.
Dumating sa lugar si Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Director Arnel Angeles, upang tiyakin na walang nadamay na mga residente sa sunog na idineklarang fire out makalipas ang walong oras.
Wala rin naitatalang nasugatan o namatay sa insidente.
Nasa mahigit 50 firetrucks at 300 bombero ang nagtutulong-tulong para tuluyang maapula ang apoy.
Alas-2:35 na ng hapon ng Huwebes nang maapula ang sunog.
Inaalam pa ang posibleng pinagmulan ng apoy at ang kabuuang halaga ng pinsala nito. (VV)