BINAWIAN ng buhay ang isang 17-anyos binatilyo nang maanod ng baha sa isang barangay sa bayan ng Jagna, sa lalawigan ng Bohol, sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Miyerkoles, 29 Hulyo.
Kinilala ang biktimang si Niño Cagasan, residente sa Barangay Odiong sa naturang bayan, na patungong palengke upang maghatid ng panindang gulay, nang tangayin ng baha habang papatawid ng kalsada.
Ayon kay Adonis John Cagas, administrative at training officer ng Jagna disaster office, agad nagresponde ang mga rescuer mula sa Jagna Emergency Medical and Rescue Unit upang hanapin ang binatilyo.
Natagpuang wala nang buhay si Cagasan malapit sa isang tulay sa boundary ng mga barangay ng Can-ipol at Lonoy.
Inilarawan ng kaniyang mga kapitbahay at kaibigan si Cagasan bilang mabait, matulungin at masipag.
Limang oras na hinagupit ng ulan ang bayan ng Jagna kahapon na nagresulta sa pagguho ng lupa’t pagbaha sa Purok 2 ng Barangay Odiong.