BINABALANGKAS na ng Senado ang planong imbestigasyon sa isyu ng pagkamatay ng ilang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP), partikular ang mga high profile inmates.
Ayon kay Senate committee on national defense and security chairman Sen. Panfilo Lacson, mahalagang malaman ang iba pang detalye ng pagkamatay ng mga bilanggo at hindi lang dapat matapos sa pagsasabing namatay sila sa COVID-19.
Sa ngayon kasi ay inoobliga ng gobyerno ang mga namamatay sa coronavirus na agad isailalim sa cremation at wala nang tsansang makita ng publiko ang labi.
Itinalaga si Senate committee on public order chairman Sen. Ronald “Bato” dela Rosa para tumutok sa isyu.
Si Dela Rosa ay dating nanilbihan bilang Bureau of Corrections (BuCor) director, bago nahalal bilang senador noong 2016. (CYNTHIA MARTIN)