IPINAGBAWAL ang pagpasok sa Caticlan Port, ang pangunahing gateway patungong isla ng Boracay, sa bayan ng Malay, Aklan ng mga locally stranded individuals (LSI) mula sa mga lugar na mataas ang bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) kabilang ang Metro Manila at lalawigan ng Cebu.
Kinompirma ni Malay Mayor Frolibar Bautista na naglabas siya ng executive order alinsunod sa desisyon ni Aklan Governor Florencio Miraflores na paigtingin ang screening ng mga LSI upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.
Ani Bautista, papayagan lamang nilang makapasok sa Caticlan ang mga LSI na may kaukulang dokumentong medikal at galing sa mga moderate at low risk na lugar.
Kabilang rito ang mga dokumentong nagsasaad ng negatibong resulta ng swab test, travel authority mula sa IATF, at certificate of acceptance mula sa lokal na pamahalaan o barangay na patutunguhan ng LSI.
Isa ang Caticlan Port sa mga pangunahing pier sa isla ng Panay na nagsisilbing daungan ng mga roll-on, roll-off (RoRo) vessel.
Nagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang ang mga lokal na awtoridad dahil sa pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 mula sa mga umuuwing LSI.
Samantala, gusto rin umanong matiyak ni Bautista na walang sinumang tatakas papasok ng isla ng Boracay nang walang kaukulang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan.