NATAGPUANG wala nang buhay ang katawan ng isang matandang babae sa loob ng sasakyang pag-aari ng provincial government ng Agusan del Norte nitong Lunes, 20 Hulyo.
Nabatid na nakapangalan ang sasakyan sa Agusan del Norte Provincial Capitol at minamaneho ng isang empleyado ng kapitolyo na kinilalang si Rodrigo Agang.
Papasok sa trabaho si Agang nang bumungad sa kaniyang pagbukas ng pinto ng sasakyan ang masangsang na amoy.
Nang kaniyang buksan ang likod na bahagi ng sasakyan, nakita niya ang katawan ng isang babae.
Sa harapan ng Buenavista Municipal Hall niya ipinarada ang sasakyan noong Biyernes ng hapon, 18 Hulyo, matapos ang kaniyang duty.
Nakasanayan na umano niyang iparada ang sasakyan sa lugar dahil naniniwala siyang mas ligtas na iwanan doon ang sasakyan.
Iniwan din niyang naka-lock ang sasakyan kaya nagtataka siya kung paanong naipasok doon ang bangkay ng babae.
Kinilala ang biktimang si Josephine Parucho, 66, at residente sa Barangay Simbalan, sa bayan ng Buenavista, sa naturang lalawigan.
Tinatayang 35 kilometro ang layo ng tirahan ng biktima kung saan natagpuan ang kanyang bangkay.
Kabilang sa iimbestigahan ng mga pulis kung ginahasa ang biktima dahil nakababa ang salawal nito nang siya ay matagpuan.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng biktima sa nangyari.
Inaasahang isasailalim sa awtopsiya ang bangkay upang malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay. ###