Arestado ang isang Barangay Chairman na sinasabing operator ng ilegal na sabong o tupada sa isinagawang follow-up operation ng MPD Police Station 1 (Raxabago) kaugnay sa anti-illegal gambling operation o sabong sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang mga naaresto na sina Silvestre Dumagat, Jr., barangay chairman ng Barangay 125; Wilfredo Marullano, caretaker; Lito Biocarles, Arnel King Bautista, Daryl Cortuna at Daniel Custodio.
Ayon sa ulat, isinagawa ang follow-up operation ng Smokey Mountain PCP sa Simoun St., kanto ng Patricia St. sakop ng Barangay 125 sa Tondo, Maynila.
Sa unang pagkakataon, nakatakas ang barangay chairman na si Dumagat, na umano’y pasimuno o operator ng tupada.
Gayonman, sa patuloy na follow-up operation ng mga operatiba, naaresto rin si Dumagat kasama ang kaniyang caretaker na si Wilfredo Marullano sa nasabing lugar habang naghihintay ng susunod na laban ng mga panabong. Narekober ang limang panabong na manok.
Kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa CO 8627 o hindi pagsusuot ng facemask, RA 11332 (non cooperation amid COVID-19 pandemic), PD 1602 (cockfighting) ang mga naaresto. (VV)