DALAWANG magkasunod na pagbawi o pag-atras ng pondo sa kompanya na magpapatakbo sa third telco player sa bansa ang naganap sa loob lamang ng dalawang linggo.
Kamakalawa, napag-alaman na ang buong 30 porsiyentong sosyo ng Singapore management fund sa Dito CME Holdings Corp., ng negosyanteng si Dennis Uy ay ibinenta na.
“Singapore fund Accion divests from Uy’s Dito stock… Accion had zero shares in Dito CME Holdings based on its ownership report on July 14, 2020,” ayon sa Bilyonaryo news website.
Noong Agosto 2018, binili ng kompanyang Accion ang 842 milyong share of stock mula sa kompanya ni Uy sa halagang P1.45 per share, o may kabuuang halaga na P1.22 bilyon.
Ang sosyohan sa kompanya ni Uy at bilihan ng shares of stock nito ay umarangkada noong 2018 nang mapabalitang makukuha ang titulong ‘third telco player’ na umano’y babasag sa duopoly ng PLDT at Globe Telecom.
Nagkatotoo ang nasabing balita nang ang dating Mislatel consortium na pinamunuan ni Uy, na ngayon ay Dito Telecommunity, ang nanalong ‘provisional winner’ sa bidding noong 7 Nobyembre 2018 para sa third telco player sa bansa.
Noong huling araw ng Hunyo 2020, ikinalas ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio, Jr., ang kanyang sosyo sa Dito Telecommunity na umabot sa 1.2 milyong sapi, at nagkakahalaga ng P4.4 milyon.
Si Rio ay may nalalabi pang sosyo sa kompanya na pag-aari ng taga-Davao na negosyanteng si Uy na umaabot pa sa 2.3 million shares.
Parehong walang dahilang ibinigay sa publiko si Rio at ang mga negosyanteng nasa likod ng Singapore fund na Accion kung bakit nila inalis ang kanilang sosyo sa Dito CME Holdings ni Uy.
Pero may hindi kompirmadong mga ulat ay naapektohan umano ang ilang investors ng Dito Telecommunity sa mga balitang mababalam lalo ang tinawag na commercial rollout ng third telco dahil sa mga balakid sa construction ng digital infrastructure dahil sa umiiral na coronavirus pandemic.