IPINATAWAG ngayong araw ng Lunes, 13 Hulyo, sa Kongreso ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) para magpaliwanag kung bakit sobrang taas ang singil nila sa koryente nitong nakalipas na ilang buwan.
Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, Vice Chairman ng Committee on Good Goverment and Accountability, karamihan sa mga kostumer ng Meralco ay nagrereklamo sa sobrang laki ng kanilang bill noong nakalipas na buwan habang umiiral ang COVID-19 lockdown.
Sinabi ni Cong. Yap, hindi kombinsido ang publiko sa mga unang paliwanag ng Meralco sa tinantiya lang nila ang konsumo ng koryente noong March, April at May dahil sa lockdown.
“Noong una, paliwanag ng Meralco, tinantiya lang nila ang siningil nilang bill, pero looking at the bill carefully, mataas talaga ang ipinataw na rate ng koryente at hindi ‘ung konsumo ng bawat bahay,” ani Cong. Yap.
Anang mambabatas, nais nilang malaman kung saan kinuha ng Meralco ‘yung rate ng koryente na siningil nila at kung ito ba ay aprobado ng Energy Regulatory Commission (ERC) o kung nagkaroon ba ng rate adjustment lately na hindi alam ng taong bayan.
Ang House Committee on Good Government and Public Accountability ang mangunguna sa nasabing hearing at inaasahang darating ang mga opisyal ng Meralco upang magpaliwanag.
Nag-imbita din ang Kongreso ng ilang consumer groups para magbigay ng kanilang opinyon at hinaing hinggil sa nasabing “overpriced billing” sa koryente sa nagdaang tatlong buwan habang umiiral ang lockdown.
“Inaasahan namin na may maganda silang paliwanag kung bakit biglang tumaas ang singil nila sa mga consumer kahit pa sabihin nilang installment naman ang bayad ng bill at hindi sila mamumutol ng linya ng koryente” pahayag ni Cong. Yap.