NANAWAGAN ang Philippine Ports Authority (PPA) sa publiko na huwag dumagsa sa mga pier, gaya sa Manila North Port Passenger Terminal.
Ang panawagan ng PPA ay kaugnay ng umiiral na moratorium sa repatriation o pagpapauwi ng mga locally stranded individuals (LSIs) na aprobado ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sa ngayon, pansamantalang suspendido ang biyahe ng mga pampasaherong sasakyang pandagat patungo sa mga lugar na tinukoy ng pamahalaan.
Kabilang dito ang Region 6, mula 28 Hunyo – 12 Hunyo 2020; Cebu at Mactan Islands, mula 21 Hunyo hanggang muling mag-abiso; Region 8, mula 25 Hunyo hanggang 9 Hulyo; Camiguin Province, mula 1 Hulyo hanggang 16 Hulyo; Basilan, mula 1 Hulyo hanggang 16 Hulyo.
Pinayohan ng PPA ang publiko lalo ang LSIs na ipagpaliban muna ang pagpunta sa mga pier upang hindi sila ma-stranded at lalong mahirapan.
Ayon sa PPA, halos 300 LSIs ang dumagsa nitong Martes sa North Harbor at naghihintay na makabiyahe.
Samantala, tuloy-tuloy ang biyahe ng mga barko at mga LSI sa mga lugar na hindi kabilang sa listahan. (VV)