IPINAG-UTOS ng korte sa lungsod ng Baguio ang pagpapadakip sa tatlong doktor at tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay ng pagpanaw ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing noong taon 2019.
Ayon kay P/Col. Allen Raw Co, direktor ng Baguio City police director, noong Miyerkoles, 8 Hulyo, pinatawan ng P200,000 piyansa sina Captain Flor Apple Apostol, Major Maria Ofelia Beloy at kanilang dating superior officer sa PMA Station Hospital na si Lt. Col. Ceasar Candelaria matapos sampahan ng kasong murder dahil sa pagpapabaya sa paggamot kay Dormitorio.
Ipinag-utos ang pagdakip sa tatlong doktor sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Baguio Regional Trial Court Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera noong Martes, 7 Hulyo.
Itinanggi ng mga doktor ang ‘misdiagnosis’ na ibinintang sa kanila kaugnay kay Dormitorio, na kanila umanong ginamot dahil sa urinary tract infection, ilang oras bago siya binawian ng buhay.
Inutusan din ni Rivera ang pulisya na arestohin sina Felix Lumbag, Jr., at Shalimar Imperial, Jr., mga senior cadet, pangunahing mga suspek sa pagpanaw ng batang kadete.
Namatay si Dormitorio noong Setyembre 2019 dahil sa internal injuries sanhi ng pambubugbog sa kaniya na kagagawan umano nina Lumbag at Imperial, naunang sinipa sa PMA matapos ang imbestigasyon sa loob ng akademya.
Ipinag-utos din ni Judge Rivera ang pagdakip sa pangatlong kadeteng si Julius Carlo Tadena, na walang piyansa gaya ng dalawang kadete.
Inakusahan si Tadena ng pananakit kay Dormitorio gamit ang taser.
Nasa kustodiya ng militar ang tatlong kadete habang sumasailalim sa court-martial proceedings.
Dagdag ni Co, nakikipag-ugnayan ang Baguio City Police Office sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa paglilipat sa kanila ng kustodiya ng tatlong kadete.