NAKATAKDANG lumipad patungong Cebu sa Miyerkoles, 8 Hulyo, ang contact tracing team ng lungsod ng Baguio sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong upang sanayin ang mga key police personnel para mapabuti ang kanilang sistema ng contact tracing nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.
Ani Magalong, mananatili ang kanilang grupo sa lungsod ng Cebu sa loob ng tatlong araw upang sanayin ang mga pulis na nakatalaga sa contact tracing na pinamumunuan ni Police Regional Office-7 Director P/BGen. Albert Ignatius Ferro.
Gamit ng lungsod ng Baguio ang bagong teknolohiya sa contact tracing na nakatulong sa pagpapanatili ng mababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Sinabi ni Magalong na gusto niyang ibahagi ang kanilang teknolohiya sa iba pang local government units (LGUs) kaya agad siyang pumayag sa hiling ni Ferro.
Nauna nang nagbigay ng parehas na pagsasanay ang grupo ng alkalde sa mga kalapit na lalawigan ng Baguio na nakaranas ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Sa conceptual framework ng kanilang sistema, kabilang dito ang pagtukoy sa maaaring pinagmulan ng impeksiyon, isolation ng mga natukoy na tao, testing, at pagte-trace ng mga malalapit at malalayong contacts para i-quarantine, testing, disinfection at medical protocols.
Gumagamit sila ng cognitive interviewing skill, isang paraan ng pagtatanong na ginagamit ng pulisya upang matukoy ang mga nakasalamuha ng pasyente.
Ito ang magiging batayang datos ng pamahalaang panglungsod sa pagpapasya kung aling mga lugar ang isasailalim sa lockdown.
Inilinaw ni Magalong, ang susi sa matugampay na contact tracing ay nasa kalidad ng impormasyong makukuha ng mga tracer upang makita ang malinaw na paglalarawan ng impeksiyon sa lungsod.
Kasama sa kanilang ginagamit na sistema ang pagkombinsi sa pasyenteng ibigay ang kanilang pagkakakilanlan upang mapadali ang contact tracing dahil maaalerto nito ang mga taong kanilang nakasalamuha at mababawasan ang haba ng oras ng kanilang paghahanap.
Gumagamit din sila ng computer-aided system, na ayon kay Magalong ay isang mabisang instrumento sa pagtukoy ng mga nakasalamuha ng mga pasyente.