INIHAHANDA ni Sen. Francis Pangilinan ang kanyang ihahain na petition sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa Anti-Terrorism Law, partikular ang probisyon nito hinggil sa warrantless arrest.
Una rito, naghain ng petition sa Korte Suprema ang isang grupo sa pangunguna ni Ateneo at De La Salle law professor at lecturer Howard Calleja para kuwestiyonin ang constitutionality ng RA 11479, o ang Anti-Terrorism Act of 2020, na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes.
Iginiit ni Pangilinan na ang bagong batas na ito ay “kontra sa ating Saligang Batas partikular sa Bill of Rights.”
Hindi rin kasi maliwanag o specific sa batas ang kahulugan ng terorismo, na ‘maaaring maging sanhi ng kung ano-anong mga kasong maisampa’ laban sa isang suspected terrorist.
Si Pangilinan ay isa sa tanging dalawang senador na tumutol sa panukala nang ito ay tinatalakay pa lamang sa Senado.
Binatikos niya ang Section 29 ng batas, na para sa kanya ay nagpapahintulot sa Anti-Terrorism Council (ATC) na mag-isyu ng written authority para payagan ang detensiyon ng isang suspected terrorist sa loob ng 14 days, na maaaring palawigin pa ng 10 araw.
“Yan dapat ay sa hudikatura. Sa Saligang Batas, sinasabi na no warrant of arrest shall be issue except upon probable cause determined personally by a judge,” ani Pangilinan.
(CYNTHIA MARTIN)