BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang isang tricycle driver, na itinuturong lider ng isang notoryus na grupong nagtutulak ng ilegal na droga drug, sa isang buy bust operation sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Nakapiit na at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang naaresto na si Alexander Morales, alyas AJ, 28 anyos, tricycle driver at residente sa Sandico St., Tondo, Maynila.
Sa ulat, isang high value individual at lider ng notoryus na AJ Morales Drug Group ang nadakip na suspek.
Ayon sa report, 7:30 am nang maaresto si Morales ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Sandico St., kanto ng Asuncion St., sa Tondo.
Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t agad na nagkasa ng buy bust operation.
Nang makabili ng ilegal na droga ang poseur buyer mula sa suspek ay kaagad dinakma ng mga awtoridad.
Nakuha mula kay Morales ang buy bust money na ginamit sa operasyon, gayondin ang may 45.5 gramo ng hinihinalang shabu, na nakalagay sa plastic sachets at tinatayang nagkakahalaga ng P309,400. (VV)