IBINIGAY sa mga awtoridad ng isang environmental management graduate sa lalawigan ng Palawan ang isang sugatang spotted wood owl (Strix seloputo) noong Sabado, 4 Hulyo, matapos matagpuan sa bayan ng Aborlan.
Kinilala ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), ang nakakita ng sugatan at hinang-hinang ibon na si Mylene Ledesma, alumnae ng Western Philippine University (WPU) at residente sa Barangay Ramon Magsaysay sa naturang bayan.
Nabatid na unang nakita ng nanay at ate ni Ledesma ang kuwagong nakahandusay sa sa lupa at may malalim na sugat sa kanang pakpak.
Ayon sa PCSDS Wildlife Traffic Monitoring Unit (WTMU) and Enforcement Team, may habang 44 sentimetro ang ibon mula sa ulo hanggang buntot, may wingspan na 72 sentimetro, at tinatayang tumitimbang ng 1.2 kilo.
Mula sa tanggapan ng PCSDS, inilipat ang ibon sa isang pasilidad kung saan siya lalapatan ng kaukulang atensiyong medikal.
Ang Spotted Wood Owl ay nakalista bilang “Endangered Species” sa PCSD Resolution No. 15-521 at protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Kalimitang nakikita ang ibon sa mga lugar na nakapaligid sa Borneo at kilalang mga subspecies nito na, Strix seloputo wiepkini, endemic sa mga isla ng Calamian, sa hilagang silangang bahagi ng lalawigan ng Palawan.