NANAWAGAN ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga pinuno ng iba’t ibang news organizations sa bansa at sa mga kasamahang mamamahayag na magkaisa sa ngalan ng propesyon at industriya at hilingin sa pamahalaan na tigilan ang persekusyon o pang-uusig sa ABS-CBN at payagang makabalik sa ere sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng taong makabatid.
Hinikayat din ng NUJP ang mamamayan na magsalita at ipakita na hindi sila magkikibit-balikat sa pagbabalewala sa mga karapatan at kalayaang tinatamasa.
Naniniwala ang NUJP na ang pagpataw ng dalawang cease and desist orders ng National Telecommunications Commission (NTC) para itigil ng ABS-CBN ang digital broadcast sa TVPlus sa Metro Manila at sa SKY Cable’s Direct Broadcast Satellite Service ay ‘lohikal’ na hakbang ng administrasyon para tuluyang patahimikin ang network.
Ang hakbang na ito, ay agad na nag-alis o nagdamot sa 11,000 milyong tahanan – ayon kay ABS-CBN CEO Carlo Katigbak – ng kanilang karapatang makabatid o makaalam o pumili kung paano nila gustong mapakinggan o mapanood ang balita, impormasyon, at paglilibang o pag-aaliw sa pamamagitan ng mga panoorin sa ere.
Malinaw umano na ang mensahe ng administrasyon ay hindi lamang ang pagnanais na ipasara ang ABS-CBN, kundi nais din ipakita sa buong media industry at sa iba pang news organization na puwede rin mangyari sa kanila ang katulad na kapalaran maliban kung isusuko ang kanilang papel na maging watchdog, mag-ulat nang kritikal at malaya, bilang mahalagang bahagi ng misyon ng media.
Ang lahat ng nabanggit sa itaas, ayon sa NUJP ay hindi dapat lumipas nang walang pagkilos ang media industry.