ISINIAILALIM sa quarantine ang buong puwersa ng pulisya sa bayan ng Zumarraga, sa lalawigan ng Samar, matapos makasalumuha ang isang PDL (person deprived of liberty) na nagpositibo sa new coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay P/Lt. Reynato Gerona, hepe ng Zumarraga municipal police, nasa isolation ang kanilang 16 pulis at apat na non-uniformed personnel (NUP) sa loob ng kanilang himpilan.
Noong 14 Hunyo, nagtungo si Gerona at apat niyang tauhan sa lungsod ng Caloocan upang sunduin ang isang 50-anyos sa suspek sa panggagahasa na naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Metro Manila.
Nakasaad sa medical certificate ng suspek mula sa Caloocan Medical Center siya ay physically fit ngunit hindi sinabi rito kung siya ay positibo o negatibo sa COVID-19.
Nagpositibo ang suspek sa coronavirus base sa swab na ginawa sa kaniya.
Kaugnay nito, sumailalim ang lahat ng pulis ng Zumarraga Police Station sa rapid test noong 16 Hunyo kung saan negatibo ang lahat ng resulta ngunit gagawan sila ng swab test ngayong linggo.
Ani Gerona, lahat sila ay walang sakit at walang dumaranas ng kahit anong sintomas ng COVID-19.
Nabatid, ang PDL na nagpositibo sa virus ay wala rin ipinakitang sintomas.
Dagdag ni Gerona, pumalit ang mga barangay tanod sa pagpapanatili ng peace and order sa bayan habang sila ay nasa quarantine.
Sa huling tala, mayroong apat na positibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Zumarraga.