NANANATILING naka-lockdown ang St. Paul’s Hospital sa lungsod ng Iloilo habang nagsasagawa ng contact tracing ang mga awtoridad matapos magpositibo ang anim na doktor sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Atty. Roy Villa, tagapagsalita para sa Western Visayas Task Force on COVID-19, kasalukuyan nilang isinasagawa ang contact tracing upang matukoy ang mga nakasalumuha ng mga nagpositibong doktor.
Ani Villa, ipinag-utos ng Department of Health Region 6 (DOH-6) ang lockdown ng pagamutan na maaaring magtagal ng ilang araw depende sa bilang ng mga taong kanilang matutukoy sa tracing.
Kasama ang anim na manggagamot sa 26 bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon na kinompirma ng DOH-6 sa kanilang bulletin noong 28 Hunyo.
Pahayag ni Dr. Ma. Sophia Pulmones ng Local Health Support Division (LHSD) ng DOH-6, hindi nila matukoy kung sino ang unang nakontamina ng virus at maaaring nakasalamuha nila ang isang probable COVID-19 case.
Nagpositibo ang isa sa mga pasyente ng pagamutan matapos ang rapid test noong Biyernes, 26 Hunyo, ngunit nagnegatibo sa confirmatory swab test o reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) testing.
Dagdag ni Pulmones, masusing nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng ospital sa Iloilo City Health Office (ICHO) at DOH upang ‘di na kumalat ang coronavirus.
Itinalaga ang Iloilo City Police Office (ICPO) at Public Safety and Transportation Management Office (PSTMO) ng pamahalaang lungsod upang matiyak na walang makapapasok na non-essential person sa pagamutan na matatagpuan sa Gen. Luna St., isa sa pinakaabalang kalye sa lungsod.
Hindi na tumanggap ng mga bagong pasyente ang pagamutan simula pa noong Linggo ng gabi, 28 Hunyo, at pansamantalang ipinatigil ang mga serbisyo sa emergency room (ER), out-patient department (OPD) at operating room (OR).
Samantala, nananawagan si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa mga Ilonggo na ipagdasal ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng nasa loob ng St. Paul’s Hospital.