ISANG pitong taong gulang na batang babae ang namatay sa Kuwait dahil sa pagkain ng fried chicken ng isang fast food chain na inorder sa online delivery, iniulat kahapon.
Ang batang si Zara Louise Lano ay namatay noong 21 Marso, isang araw matapos kumain ng fried chicken na inorder sa isang fast food chain sa online delivery.
“Habang kumakain kami, nagko-complain ako sa kanila, sabi ko parang hindi na maganda kasi ‘yung chicken. Parang masyado nang oily, parang ininit na lang,” ani Faye Lano, ina ni Zara Louise.
Pero kahit itinigil nila ang pagkain ng fried chicken, nagsimulang sumama ang pakiramdam ng buong pamilya kaya kahit disoras na ay napilitang magtungo sa ospital noong madaling araw ng 21 Marso 2020.
Matapos ang ilang oras, pinauwi na ang mag-inang Zara at Faye habang si Dax, ang ama, at panganay na anak na si Sigfried ay nanatili sa ospital.
“Okay ‘yung X-ray nila, okay ‘yung vitals nila, nag-decide po ‘yung ospital na i-discharge sila,” sabi Dax, tungkol sa kanyang mag-inang Faye at Zara.
Nang araw na iyon muling nakaranas ng pagdumi at pagduwal ang mag-inang Zara at Faye kaya bumalik sila sa ospital.
Si Faye ay agad ipinasok sa intensive care unit (ICU) ngunit ang batang si Zara ay idineklarang “dead on arrival (DOA).
Sa death certificate ng biktimang si Zara, idineklarang “acute failure of blood circulation and respiration and septic shock” ang dahilan ng kanyang kamatayan.
Naibalik na ang bangkay ni Zarah sa Filipinas at muling isinailalim sa awtopsiya. Umaapela ngayon ng katarungan ang pamilya sa kamatayan ng anak na babae.
Kung mapapatunayan umano na namatay sa food poisoning ang namatay na biktima, plano ng pamilya na maghain ng kaso laban sa fast food chain at sa ospital dahil sa maling diagnosis sa kondisyon nilang dinaranas.
Inihimlay si Zara sa San Jose Del Monte, Bulacan habang hinihintay ang opisyal na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa isyu at insidente.