BINATIKOS ni Senador Imee Marcos ang hindi pagbibigay ng prayoridad ng pamahalaan para maisayos ang mabagal na internet connection sa bansa ngayong nahaharap ang buong mundo sa sinasabing “new normal” bunsod ng pandemyang COVID-19.
Dahil dito, nanawagan si Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs, sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na mag-level up dahil ito ang hinihingi ng panahon, at tiyakin na mabibigyan ng prayoridad ang digital infrastructure gaya ng pagbibigay importansiya sa public works at transportation projects sa ilalim ng Build Build Build program.
“Level up na tayo DICT! Nangungulelat tayo sa buong Asya pagdating sa internet speed. Matagal na tayo dapat nag-upgrade, pero hanggang ngayon nasa 3.5 mbps lang tayo,” ayon kay Marcos.
Sinabi ni Marcos, dinaig pa ang Filipinas ng mas maliliit na ekonomiya gaya ng Laos, Myanmar, at Cambodia pagdating sa internet speed. At kung ikokompara naman sa mauunlad na estado tulad ng Singapore at Hong Kong, halos 19 hanggang 22 times na mas mabilis, ayon sa Ookla Net Index na kilala sa buong mundo pagdating sa pag-test ng internet performance.
“Mabagal na internet speed dagdag pa ang limitadong online access, ang resulta niyan ay makupad na ekonomiya at mababang uri ng pamumuhay, pahirap lalo sa mga lokal na pamahalaan na nasa liblib na lugar sa bansa,” ani Marcos.
Dagdag ni Marcos, mas magiging matagumpay ang gobyerno sa contact tracing, online education,
e-commerce, e-jobs at maging sa pagresolba ng krimen at paglulunsad ng eleksiyon sa hinaharap kung mapagbubuti at mapaghuhusay ang digital infrastructure ng bansa.
Inungkat din ni Marcos ang pagpasok ng ikatlong telco player na tila natabunan na.
“At ano na nga ba ang nangyari dito sa third telco player? Naghihintay ang publiko sa kung anong update meron ang DICT sa kanyang mga project,” dagdag ni Marcos. (CYNTHIA MARTIN)