ISINULONG ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang pagbibigay ng buwanang pensiyon sa persons with disability (PWDs) na walang permanenteng kita at sinusuportahan ng mga kamag-anak para kanilang mga pangangailangan.
Ito ang nakapaloob sa Senate Bill 1506 na inihain ni Lapid na layong bigyang prayoridad at karampatang tulong ang PWDs para sa kanilang mga pangangailangan.
“Sa panahon na matindi ang pagsubok at kahirapan na pinagdaraanan ng publiko, ‘wag sana natin kalimutan na mas higit na hirap ang dinaranas ng mga kapatid nating may kapansanan. Kailangan nila ng tulong mula sa gobyerno at karapatan din nilang makatanggap ng ayuda para makabili ng mga pangangailangan nila,” ani Lapid.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng indigent PWDs na verified and certified ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ay pagkakalooban ng buwanang pensiyon na nagkakahalaga ng P2,000.
Sa sandaling maipasa ang nasabing panukala, maglalaan ang pamahalaan ng P2 bilyon para sa unang taon ng implementasyon nito na nakapaloob sa Annual General Appropriations.
“Malaking bagay na may dagdag tulong pinansiyal ang ating gobyerno sa mga kapatid nating may kapansanan at walang regular na pinagkukuhaan ng kita. Inaasahan nating gagamitin ang ayudang ito para ipambili ng kanilang pagkain at gamot kada buwan. Sisiguraduhin din natin na maglalagay ng sapat na pondo ang Kongreso para maipatupad nang maayos at mabilis ang programa oras na maisabatas ito,” giit ni Lapid.
Sa pagpapatupad ng nasabing programa, inaatasan ang DSWD at NCDA na bumuo ng database para sa lahat ng indigent PWDs.
Gayondin, pagkakalooban sila ng “authentic PWD identification card” alinsunod sa Magna Carta for Disabled Persons (RA 7277), bilang pre-requisite para maging kalipikadong benepisaryo sa ilalim ng nasabing batas.
At kapag napatunayang nanloko o nandaya sa ilalim ng naturang programa, may parusa at multang ipapataw mula P25,000 hanggang P50,000.
Kapag naulit ang panloloko ay pamumultahin ng mula P50,000 hanggang P100,000.
Kaugnay nito, inaasahan din ang pagkakaroon ng taunang ulat ng DSWD at NCDA hinggil sa estado ng implementasyon ng nasabing programa. (NIÑO ACLAN)