UPANG matiyak ang kaligtasan ng mga paaralan sa muling pagbubukas ng klase ngayong taon, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) na inilalaan para sa local school boards.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, makatutulong sa local school boards ang paggamit ng SEF para sa COVID-19 response efforts ng mga eskuwelahan upang mabigyan ng proteksiyon ang mga mag-aaral, mga guro, at kawani ng mga paaralan.
Ipinaliwang ni Gatchalian, sa ilalim ng Section 4 ng Bayanihan to Heal As One Act o Republic Act 11469, maaaring pahintulutan ng Pangulo ang pagpapalawig sa paggamit ng SEF.
Ito ay bahagi ng kanyang kapangyarihang magpatupad ng mga pansamatantalang emergency measures sa gitna ng krisis.
Bagama’t hindi pa naglalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mga panuntunan kung paano maaaring gamitin ng mga paaralan ang SEF sa kanilang pagresponde sa nakamamatay na virus, ipinanukala ni Gatchalian na gamitin itong karagdagang pondo para sa localized testing ng mga guro, mga mag-aaral, at mga kawani.
Kailangan kasi aniyang masiguro na walang sakit o hindi nahawaan ng COVID-19 kapag nagbukas na ang mga klase. Kailangan din aniyang malinis at disinfected ang mga paaralan, pati ang lahat ng mga kagamitan na gagamitin sa edukasyon ng mga bata.
Sa realignment ng budget ng DepEd upang tugunan ang mga naging epekto ng COVID-19, ayon sa mambabatas dapat maglagay din ng pondo para sa information and communications technology devices na gagamitin sa distance learning, lalo na’t mababawasan ang face-to-face interaction sa mga classroom.
Panukala ni Gatchalian, maaaring gamitin ang SEF para maipambili ng mga disinfection materials at iba pang public health supplies tulad ng sabon, alcohol, mga thermometer, at sanitizer.
Ayon sa mambabatas, dapat din maging prayoridad ang mga programa at aktibidad na layong magpakalat ng kaalaman tungkol sa COVID-19, pati na rin ang training o pagsasanay ng mga guro at mga kawani para sa emergency response.
“Marami na ang mababago. Ngayon at inihahanda natin ang mga eskuwelahan para sa ‘new normal’ na sistema ng edukasyon, kailangan nating gamitin ang lahat ng mapagkukuhaan o resources para matugunan ang mga pagbabago sa sistema para makapagbigay ng tuloy-tuloy na edukasyon,” ani Gatchalian.
“Ang paggamit sa Special Education Fund ang isa sa mga pinakamabilis na hakbang na maaari nating gawin upang mabigyan ng agarang tulong ang ating mga paaralan,” dagdag ng senador.
Ayon sa Section 272 ng Local Government Code of 1991 o Republic Act No. 7160, ang SEF ay maaaring gamitin para sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga pampublikong paaralan, pagpapatayo at pagkumpuni ng mga gusali, pasilidad, at mga kagamitan. Maaari rin itong gamitin para sa pananaliksik, pagbili ng mga aklat at periodical, at sports development.
Sa ilalim ng Local Government Code, ang mga local school boards sa mga probinsiya, siyudad, at munisipyo ang maaaring magbigay ng pahintulot sa mga lokal na ingat-yaman o treasurer para magamit ang pondo sa ilalim ng SEF.
Ang mga local school boards ay pinamumunuan ng mga gobernador o alkalde. Katuwang nila sa pamumuno ang division schools superintendent, ang city schools superintendent, o ang district supervisor of schools. (NIÑO ACLAN)