NAIS ni Senator Win Gatchalian na gamitin na ang radyo at telebisyon para sa pagtuturo sa mga mag-aaral.
Ito ay dahil walang katiyakan kung kailan magbubukas ang klase dahil sa COVID 19.
Binanggit ni Gatchalian, sa prankisa ng mga radyo at TV na 15 porsiyento ng kanilang airtime ay dapat ilaan sa pagtuturo.
Inihalimbawa nito na maaaring 10:00 am ay iere ang mga aralin pang-elementarya at pagsapit ng 2:00 ng hapon ay pagtuturo naman sa high school students.
Ayon kay Gatchalian, imbes kung ano-ano ang pinanonood sa telebisyon ng mga mag-aaral, mas makabubuti sa kanila kung aralin ang kanilang panonoorin.
Aniya kailangan asikasohin ng DepEd ang scheduling ng pagtuturo at kikilos na rin ang National Commission on Children’s Television na matagal na panahong tila nabalewala.
Binanggit nito, nang mag-lockdown sa China at Hong Kong, ipinagpatuloy ang pagtuturo sa mga bata gamit ang internet ngunit batid ng senador na hindi lahat ng mga mag-aaral na Filipino ay may computer sa bahay kaya’t hindi ito uubra sa bansa. (CYNTHIA MARTIN)