SINIMULAN ng senado ang ipinatawag na special session ng dalawang kapulungan ng kongreso upang mabigyan ng dagdag na kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para labanan o tugunan ang suliranin sa coronavirus 2019 o COVID-19.
Ngunit agad na ipinatigil ang sesyon ng senado dahil sa kawalan ng quorum ng mga senador na dumalo sa sesyon.
Bukod kay Senate President Vicente Sotto III, tanging sina senador Sherwin Gatchalan, Christopher “Bong” Go, Ramon Revilla, Lito Lapid, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Francis Tolentino, Senadora Grace Poe, at Pia Cayetano ang dumalo.
Liban kay Senadora Leila de Lima na kasalukuyang nasa kulungan, naka-home quarantine si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagpositibo sa COVID-19.
Pinalawig naman ang quarantine ni Senadora Nancy Binay na dalawang beses nakasalamuha ang COVID 19 positive at ang isa sa kanila ay namatay na.
Ang iba pang mga senador ay pawang mga nasa labas ng bansa.
Tiniyak ni Binay, siya ay nakatutok sa lahat ng galaw ng senado at handang gumamit ng teknolohiya makabahagi lamang sa nasabing sesyon.
Ayon kay Binay. ayaw niyang isakripisyo ang kalusugan ng kanyang kapwa senador at ilang mga empelyado ng senado.
Piling empleyado lamang ang pinapasok sa Senado para sa nasabing sesyon.
Sa 4 Mayo pa ang regular na sesyon ng mga senador base sa kanilang kalendaryo na nagsipagbakasyon noong 14 Marso. (NIÑO ACLAN)