HINIMOK ni Malabon City Mayor Lenlen Oreta ang mga kompanyang responsable sa supply ng tubig sa lungsod tulad ng Maynilad at Manila Water na dagdagan ang supply ng tubig sa mga kabahayan sa Malabon mula sa maititipid nilang tubig na nakalaan sa mga mall at iba pang komersiyal na establisimiyento, alinsunod na rin sa “enhanced community quarantine” na ipinatutupad ngayon sa Luzon.
“Napakahalaga ng tubig para malabanan ng bawat kabahayan ang COVID-19 lalo pa’t pinaalalahanan tayo ng DOH na sa wastong paghuhugas ng kamay at tamang personal hygiene maaaring maiwasan ang pagkalat nito. Sa pagsasara ng mga mall at mas maiksing operating hours ng iba pang establishments, may matitipid tayong kaunting tubig diyan na maaaring ipagamit naman sa mga residente,” pagdidiin ni Oreta.
Simula pa noong nakaraang taon ay nakaranas na ng problema sa supply ng tubig ang Malabon at ikinababahala ng alkalde kung magpapatuloy ito.
“Nananawagan kami sa ‘water concessionaires’ na sana ay ikonsidera ito dahil kailangang-kailangan ng mga mamamayan ang tama at hustong suplay ng tubig lalo na ngayong panahon ng pandemic na ito. Inaasahan ko ang kanilang kooperasyon,” dagdag ni Mayor Lenlen.
Nitong 16 Marso, nagpatupad ang pangulo ng “enhanced community quarantine” sa buong Luzon na estriktong ipapatupad sa lahat ng kabahayan kabilang ang suspensiyon ng transportasyon at “non-essential travels.”
Kaugnay nito, nagpasa ang Sangguniang Panlungsod ng Malabon ng isang resolusyon na naglilimita ng oras ng mga malls at iba pang establisimiyento, at isa pang resolusyon na nagdedeklara ng “state of calamity” para sa bayan para sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng siyudad. (NIÑO ACLAN)