IGINIIT kahapon ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Rachel Arenas na wala sa poder nila ang pagpapatigil sa pag-ere ng FPJ’s Ang Probinsyano ng ABS-CBN 2 dahil lang sa umano’y hindi magandang pagsasalarawan ng mga pulis.
Sa panayam sa DZMM na nalathala sa abscbn.news, sinabi ni Arenas na wala sa poder nila ang ipatigil ang actiong seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin.
Sinabi rin niyang may pag-uusap na silang nagaganap simula pa noong 2016.
Iginiit din niyang hindi nagse-censor ang MTRCB. “We cannot also prohibit negative depictions kasi we are sort of a bridge roon sa constitutionally protected freedom of expression, and also the right of the state to regulate.”
Sinabi pa ni Arenas na nakikita naman niyang mayroong natututuhang maganda ang mga bata sa action serye. “The good always prevails,” sambit nito.
Sambit pa ni Arenas, wala siyang nakikitang paglabag ng Ang Probinsyano sa guidelines ng MTRCB.
Samantala, wala namang planong ipatigil ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Ang Probinsyano.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakipag-ugnayan na sa kanila ang Kapamilya Network ukol sa pagkabahala ng PNP sa pagganap ng ilang artista bilang mga “masasamang pulis.”
Anila, kinikilala ng DILG na kathang-isip lamang ang mga karakter sa Ang Probinsyano at hindi nito sinasalamin ang tunay na buhay.
Wala rin aniyang plano ang DILG na diktahan ang mga manunulat sa script at istorya ng palabas, at wala silang layuning ipatigil ito. (MVN)