GAANO na nga ba kapobre ang buhay sa Pilipinas? Gaano karami kaya ang kumakain ngayon ng murang bigas na may bukbok dahil sa rekomendasyon ng Agriculture Secretary?
O ang dapat bang itanong ay: “Gaano kayaman na kaya ang mga Pinoy ngayon? Gaano kalaki ang budget nila para sa panonood ng sine?”
Kung naniniwala tayo sa mga report tungkol sa kita ng pelikulang Pinoy lately, ‘di tamang isipin na kapobrehan ang namamayani sa bansa ngayon.
Sa ika-10 araw pa lang ng pagpapalabas ng The Hows of Us nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, kumita na ito ng P400.7-M, ayon sa Star Cinema. Record-breaker para sa tambalan noong mag-sweetheart in real life.
Ang Goyo: Batang Heneral ni Paulo Avelino ay kumita ng P11-M sa unang dalawang araw ng pagpapalabas nito na naka-overlap sa pangalawang linggo ng The Hows of Us, ayon sa TBA Studios/Globe Studios na nag-prodyus ng film bio ng bayaning si Gregorio del Pilar.
Lumagpas din naman sa P100-M ang kinita ng Miss Granny nina Sarah Geronimo at James Reid, ayon sa Viva Films na nagprodyus ng Filipino adaptation na ‘yon ng isang Korean film.
At alam n’yo bang naka-P82.7-M din ang Crazy Rich Asians na may cameo appearance ng ating one-and-only Kris Aquino? ‘Yan ay ayon sa Warner Bros. Philippines na nag-release ng pelikula sa bansa.
Ang minimum na admission ticket sa commercial moviehouses natin ay P150. Sa buong bansa, kung papaniwalaan natin ang ulat ng film production companies, napakaraming Pinoy na kayang-kayang magbayad ng P150 bawat tiket. Pero sa isang pamilya, hindi lang naman isang miyembro ang nanonood. May teenagers na ‘di pa pinapayagang manood ng sine mag-isa, kaya sinasamahan sila ng isa sa mga magulang nila o isang elder sa family. Ibig sabihin, minimum ng P300 a week ang nagiging budget ng mga pamilya para sa panonood ng sine.
‘Yung kayang mga pamilyang bumili ng murang bigas na may bukbok, nakapanood din kaya sila isa man lang sa The Hows of Us, Miss Granny, at Goyo?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas