HINDI tinatawaran ni (BoC) chief, Commissioner Isidro Lapeña ang patuloy na imbestigasyong ginagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa sinabing ‘P6.8 bilyong shabu sa magnetic lifters na natagpuan sa isang bodega sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Matatandaang patuloy na iginigiit ni PDEA Chief Aaron Aquino sa House Committee on Dangerous Drugs na ang magnetic lifters na natagpuan sa warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite ay nagtataglay ng ilegal na droga sa kabila ng negatibong resulta ng swab test (laboratory examination) na isinagawa ng mga awtoridad.
Iginigiit ni Aquino na ang swab test ay ‘inaccurate’ dahil buo ang paniniwala niya sa kakayahan ng K9 dogs sa pagdetermina ng illegal drugs. Ipinaliwanag niyang kayang mag-detect ng amoy ng K9 dogs ng 10,000 beses kaysa tao.
Ang pahayag ng PDEA chief ay nagresulta sa iba’t ibang opinyon. Itinuring ito bilang espekulasyon at nag-iimbita ng pagdududa sa tagumpay ng administrasyong Duterte sa kampanya laban sa pagkalat ng ilegal na droga.
Magugunitang ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alegasyon at itinuring ang ulat ni Aquino bilang espekulasyon.
Inihayag ng isang abogado na may hawak ng drug cases, na tumangging magpabanggit ng pangalan dahil sa pagiging sensitibo ng isyu, na ang pahayag ni Aquino ay mapanganib.
Aniya, kung bibigyan ng bigat ang pahayag ni Aquino na ang presensiya ng droga ay mas mapapatunayan sa pamamagitan ng paggamit ng K9 dogs kaysa scientific examination o swab test, ang prosekusyon ng maraming drug cases sa bansa ay mabibigo at magreresulta sa pagkabasura ng mga kaso.
“In all prosecution of drug cases, the identification of illegal drugs is made through the presentaton of laboratory report conducted on the siezed illegal drugs. Never in the history of drug cases that a drug offender was found guilty due to identification of drug substance by utilizing K9 dogs,” ayon sa abogado.
Aniya, ang K9 dogs ay ginagamit para makatulong sa law enforcement officers na mabatid ang posibilidad ng drug substance, gayonman, ang tugon ng K9 ay hindi nagpapatunay ng anoman hangga’t hindi nagsasagawa ng scientific examination sa ‘articles’ na kinukuwestiyon.
Sa karanasan ng ilang grupo law enforcers, sinabing may pagkakataon na umuupo sa tabi ng isang bagahe ang K9 dogs kapag nakaaamoy ng pagkain.
Dagdag ng abogado, “As a matter of fact, pursuant to Section 21 of the Comprehensive Dangerous Drugs Act, the conduct of laboratory examination on the suspected illegal drug is mandatory. Clearly, the conclusion of Director General Aquino – that the swab test is inaccurate and the use of K9 dogs is the one reliable – is erroneous.”
Sa marami aniyang kaso, dahil sa iba’t ibang factors na nakaaapekto sa kakayahan ng K9 dogs sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin, ang paggamit ng sniffing dogs sa anti-drug operations ay nagreresulta sa false positive reaction.
Gayonman, nanatiling bukas si Lapeña kung makakukuha ng dagdag na ebidensiya ang PDEA, bukod sa pang-amoy at reaksiyon ng k9 dogs.