INIHAYAG ng health department at fisheries bureau na minamatyagan nila ang inaangkat na galunggong o round scad dahil sa ulat na nilagyan ito ng nakalalasong kemikal na formalin.
Nitong nakaraang linggo, inaprobahan ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang importasyon ng hanggang 17 metriko toneladang galunggong mula 1 Setyembre hanggang 31 Disyembe para mapatatag ang presyo nito bago ang pagtatapos ng fishing season.
Ilang bansa katulad ng China, gayonman, ang sinasabing gumagamit ng formalin para mapanatiling sariwa ang nahuhuli nilang mga isda, ayon sa grupo ng mga mangingisdang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).
Ang paggamit ng formalin sa isda o gulay ay labag sa local Food Safety Act, ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) director Eduardo Gongona.
“Umiikot po ang aming tao d’yan at tsene-check po ang ating mga palengke ngayon kung mayroon ngang chemicals na inilagay doon sa isda,” ayon kay Gongona.
Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo, ang DOH ay tumutulong sa BFAR sa pagsusuri sa mga isdang napaulat na nilagyan ng formalin, na maaaring magdulot ng cancer.
Ang isdang may formalin ay kadalasang matigas, hindi dinadapuan ng langaw at mahirap tanggalin ang kaliskis, ayon kay Domingo.
Tinaguriang “poor man’s fish” ang galunggong ay kasalukuyang ibinebenta sa presyong P140 per kilo.
Susuriin ng Pamalakaya ang imported galunggong na darating sa Navotas Fish Port sa 1 Setyembre, ayon sa kanilang chairman na si Fernando Hicap.
HATAW News Team