NAKALIMUTAN na ni Presidential spokesman Harry Roque ang kanyang pinag-aralan sa pagka-attorney mula nang siya ay naging spokesman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang sinabi ni Roque na hindi kailangang patunayan ni Duterte ang akusasyon niya na ang Naga ay naging “hotbed of shabu” ay paglapastangan sa alitintunin ng batas na kung sino ang nag-akusa ay siya rin dapat ang magpatunay sa akusasyon niya.
Ayon kay Roque hindi raw dapat maging balat sibuyas ang mga taga-Naga na naglabas ng pagkadesmaya sa paratang ni Duterte.
Nauna nang sinabi ni Duterte na ang Naga City ay pugad ng droga.
Ani Lagman, ang akusasyon ay walang batayan at walang mga pangalan ng umano’y mga drug lord na nagpapatakbo ng ilegal na operasyon sa bayan ni Vice President Leni Robredo.
Wala rin aniyang dokumento na nagpapatunay sa dami ng shabu na nahuli sa Naga at kung ilan ang nahuling mga ‘adik’ na nasa rehabilitation centers.
Ang akusasyon na walang basehan ay parang guniguni na walang bahagi sa batas.
Ayon sa Naga City Council, “irresponsable at walang basehan” ang akusasyon ni Duterte.
ni Gerry Baldo