TATLO katao ang sugatan makaraan patumbahin ng bagong chopper ng Philippine National Police ang LED billboard habang lumilipad nang malapit sa pagdiriwang ng PNP Service Anniversary sa Camp Crame, noong Miyerkoles.
Ayon sa tala ng PNP General Hospital, isang police non-commissioned officer ang tinamaan sa ulo ng tent pole habang dalawang non-uniformed personnel ang nagalusan, ang isa ay sa ulo at ang isa ay sa tuhod.
Ani PNP spokesperson, S/Supt. Bong Durana, Jr., ang bagong bell choppers ay nararapat na lumipad nang mabilis, ngunit tinangka ng piloto na ilapag ito dahilan upang sumabit sa tent poles na nagresulta sa pagkatumba ng LED billboard.
Sinabi ng PNP, posibleng gumastos ng P3 milyon para sa pagkukumpuni sa napinsalang LED panels. Ang PNP Headquarters Support Service ay nakikipagnegosasyon na sa may-ari ng napinsalang LED.
Ang bagong Bell 429 chopper ay binili ng PNP noong Marso.
Ayon sa PNP, bibili pa sila ng karagdagang apat na chopper mula sa Airbus Industrie ng France sa mga susunod na buwan.
HATAW News Team