WALANG pakialam ang Palasyo kung tuluyang bumagsak ang gross domestic product (GDP) ng bansa dahil sa pagpapahalaga ng administrasyong Duterte sa kalikasan.
Ito ang sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod nang mabagal na paglago ng ekonomiya na umabot lamang sa anim porsiyento sa second quarter ng 2018 o mas mababa sa 6.6% sa first quarter ng kasalukuyang taon.
Ang GDP ay kumakatawan sa lahat ng produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng ating bansa.
“If GDP will further fall because of the desire of the President to protect the environment, so be it. We’re investing in the future and not just in the present,” ayon kay Roque.
Tinukoy ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang sanhi ng slowdown sa pagsasara sa Boracay at mga regulasyon sa sektor nang pagmimina.
Paliwanag ni Roque, hindi binubuo ng administrasyong Duterte ang polisiya base lamang sa ekonomiya at kailangan din gamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang kapangyarihan na bigyan proteksiyon ang kalikasan.
“He (Duterte) has given further priority—higher priority to the protection of the environment – and he makes no apologies for it,” aniya.
Naniniwala si Roque na hindi dapat ikabahala ang 6% GDP dahil malaki pa rin ito.
“Of course, we’re also saddened by the fact that we failed to meet targets. We will do everything to meet them; if we don’t, we’ll find out why and we’ll try to achieve the further targets for the rest of the year,” sabi ni Roque.
(ROSE NOVENARIO)