INAMIN nina Public Attorney’s Office (PAO) chief, Atty. Persida Acosta at forensics consultant Dr. Erwin Erfe sa pagpapatuloy ng pagdinig sa House Committee on Health, na wala silang sapat na katibayan na Dengvaxia ang sanhi ng pagkamatay ng ilang mga bata lalo na ang may sakit na dengue.
Ang pag-amin ay ginawa mismo ng dalawa sa pagtatanong ni Muntinlupa Congressman Ruffy Biazon.
Magugunitang sina Acosta at Erfe ang naunanag nagbunyag sa publiko sa pamamagitan ng media, na ang Dengvaxia ang sanhi ng pagkamatay ng mga bata.
Dahil dito nabigo ang PAO na makombinsi si Biazon na tatayo ang kasong isasampa laban sa ilang indibiduwal na nagpatupad ng bakuna noon pang 2016 sa pangunguna ng Department of Health (DOH).
Inamin ni Biazon na kanyang tinanong sa PAO upang malaman ang kahihinatnan ng kasong class suit na isasampa ng PAO anomang oras laban sa ilang indibiduwal.
“Kailangan may matibay kayong kaso kasi baka naman sa kalaunan mabalewala ang lahat at kaawa-awa naman ang mga sinasabing biktima,” ani Biazon.
Hindi rin naitago ni Acosta ang pag-amin na hindi isang certified pathologist Erfe.
(NIÑO ACLAN)