DAHIL sa pagkakaposisyon ni Major General Rolando Bautista, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sandiwa” Class 1985, bilang bagong Army chief, namumuro ngayon ang kanyang kaklase sa pinakamataas na posisyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Lieutenant General Carlito Galvez Jr.
Si Galvez ay kasalukuyang commander ng Western Mindanao Command (Wesmincom) at hindi lingid sa organisasyon ng AFP na malapit siya kay Department of National Defense (DND) Delfin Lorenzana (PMA “Maagap” Class ’73), retiradong heneral at mula sa pamilya ng Scout Ranger Regiment (SRR).
Pero kahit nakalalamang si Galvez, nariyan din ang isa pang kuwalipikadong kandidato na isang Sandiwa member, si Maj. Gen. Benjamin Madrigal Jr., ang kasalukuyang commander ng Southern Luzon Command (Solcom).
Si Galvez o si Madrigal, na kay Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang huling desisyon bilang Commander-in-Chief kung sino sa dalawa ang papalit sa magreretiro nang si AFP chief Gen. Eduardo Año (PMA “Matikas” Class ’83).
Hindi na rin bago sa atin kung wala kina Galvez o Madrigal ang pipiliin ni Duterte at magtatalaga siya ng isang senior officer na hindi inaasahang papalit kay Año. Lahat ng may ranggong full colonel hanggang sa 3-star general ay kuwalipikadong maging AFP chief.
Bagaman may Board of Generals (BOG) na sumasala sa mga kuwalipikadong senior officer para mabigyan ng promosyon at puwesto ay rekomendasyon lamang ang tanging kapangyarihan nito. Isusumite ng BOG ang kanyang rekomendasyon sa Pangulo padaan sa DND chief at ang huli naman ang magdadala sa Pangulo.
Ang BOG ay binubuo ng AFP chief, bilang pinuno; Vice Chief of Staff, The Deputy Chief of Staff (TDCS); Army chief; Flag-Officer-in-Command (FOIC); and Air Force chief. Maliban sa AFP chief na 4-star, lahat ay 3-star general.
May mga pagkakataon sa antas pa lamang ng BOG ay may sikuhan nang nangyayari, ito ang kamandag ng “bata-bata system.” Nagiging nakagawian na rin sa sistema kung sino ang nakaupong DND chief, kung maalala natin ang naging sikat na “Board of Gazmin” lalo sa posisyon ng AFP chief, ay gusto na rin niya ang masusunod kung sino ang maging AFP chief at siya na ang nagrerekomenda sa Pangulo.
Pero sa panahon ngayon, malabong madiktahan ng sino man, pati na ang DND chief, si Duterte. Hindi gaya ng nakaraang mga administrasyon.
Isang halimbawa, ayon sa aking pasa-bilis, sinubukan daw noon, at sumulat pa kay Duterte, ng isang retiradong heneral na nasa gabinete ngayon ng Pangulo na bawiin ang pagtatalaga kay Gen. Ricardo Visaya (Matikas member) bilang AFP chief pero ibinasura ito.
Si Visaya ay kasalukuyang administrator ng National Irrigation Administration (NIA).
Tanong ko lang, wala na ba talaga ang nakagawiang “PABAON” at “PASALUBONG”?
BAGO ‘TO
ni JB Salarzon