KUNG ano mang modelo ng komunidad o sistema ng pamamahala ang gustong ilapat ng “Task Force Bangon Marawi” (Administrative Order No. 3 ni Pangulong Rodrigo Duterte) para sa Marawi, dapat panatilihin ang pangalan nitong “Islamic City” (Parliamentary Bill No. 261, 1980).
Respeto at pagkalinga ang higit na kailangan ngayon ng mga kapatid nating Maranao hindi lamang sa kanilang pagkatao kundi sa kultura at kasarinlan.
Hindi uubra at makatutulong ang “western model” na iminumungkahi umano ng ilan sa task force.
Pero may mga bagay-bagay na dapat nang iwaksi ng mga kapatid nating Maranao, gaya na lamang ang kaugaliang “rido.”
Ang rido ay madugong patayan ng pami-pamilya o angkan dahil sa hidwaan sa maraming bagay. Sinasamantala ito ng mga politiko para sa personal nilang kapakinabangan gamit ang impluwensiya at pera.
Ang matindi, sinasamantala din ito ng mga grupong terorista gaya ng Abu Sayyaf at Maute para isulong ang kanilang masamang adhikain dala ng maling interpretasyon at pagsasabuhay sa mabuting aral ng Islam.
Sa simpleng pananaw, ang rido ay nagtutulak sa ilan nating kapatid na Muslim na magkaroon ng sandata gaya ng baril upang depensahan ang sarili, pamilya at angkan. Ang matindi, ito na ang kinamumulatan ng ilang nakababatang Muslim.
Dapat din bigyan ng sapat na halaga ng ating gobyerno ang edukasyon ng kasalukuyang henerasyon sa pagbangon ng Marawi. Ang kamangmangan ay nagdudulot ng sari-saring problema sa lipunan, kasama rito ang terorismo.
Ang pinakamahalaga, ibangon ang ekonomiya ng nasirang lungsod nang walang pag-iimbot.
At isa pa, ‘wag nang hayaan ng mamamayan ng Marawi na mangibabaw ang mga mapagsamantalang politiko. Huwag na silang iluklok sa posisyon ng pamamahala.
Gaya nang paulit-ulit kong sinasabi, ang nangyari sa Marawi ay nangyari na sa Zamboanga City. Kung bakit nangyayari ito sa ating lipunan ay dahil may malaking pagkukulang sa panig ng pamahalaan, lalo ang mga namamahala sa seguridad at kaayusan.
Aminado naman ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na malaki ang kanilang naging pagkukulang sa paniniktik dahil hindi napigilan ang mga ganitong insidente.
Ang malaking tanong nga lang ng taongbayan, saan ba talaga napupunta ang bilyon-bilyong intelligence fund na dapat ay ginagamit upang mapigilan ang pagputok ng banta sa seguridad ng mamamayan at ng pamahalaan.
Ayon mismo kay Duterte, kulang ang P50 bil-yon na ipantutustos sa pagbangon ng Marawi.
BAGO ‘TO
ni JB Salarzon