NAGPAPASALAMAT ako sa malugod na pagtanggap ni Jerry Yap, ang butihing may-ari nitong pahayagang HATAW, sa kolum natin na unang inilathala ilang buwan pa lamang ang nakararaan ng isang tabloid.
Sa dating bahay ng kolum, maraming salamat po! Sana’y matagumpay ang bagong pamunuan ng naturang tabloid.
Ang mabilis na pagbabagong-anyo ng pamamahayag dala ng internet, isa rito ang social media, ay talaga namang malaki ang epekto sa mga diyarista.
Sa madali’t sabi, meron ka lang cellphone na touchscreen at konektado sa internet ay puwede mo nang halukayin ang mga balitang gusto mong basahin sa website mismo ng diyaryong kinagi-giliwan o kinaiinisan mo. Hindi mo na kailangan pumunta sa kanto at bumili ng kopya. Meron na ring digital copy ng diyaryo.
Maraming salamat din kay Cheska Itable na siyang nagbigay ng linya sa akin kay Jerry na dati ko naman nang kakilala mahigit 10 taon na ang nakararaan. Si Jerry ang nag-welcome sa akin noong pansamantala akong itinalaga sa NAIA beat dahil siya ang president noon ng press office (sa “ibaba”), dahil meron din isa pang press office sa “itaas.”
At siyempre kay Glo Galuno na siyang managing editor ng tabloid na ito.
Lalabas ang kolum na ito tuwing Lunes.
***
Sa gitna ng ginagawang pagwalis sa mga bugok na miyembro ng Philippine National Police (PNP), patuloy na dumarami ang mga insidente ng krimen na mismong mga pulis ang sangkot. Nakababahala ang ganitong sitwasyon sa ating lipunan.
Pero naniniwala ako na hindi natutulog sa pansitan si PNP chief General Ronald “Bato” dela Rosa.
Kung maalala natin, muntik nang na-floating o napa-early retire si Bato sa sunod-sunod na krimeng kinasasangkutan ng ilang pulis – isa rito ang insidenteng sangkot ang ilan sa isang South Korean national na kanilang dinukot, hiningian ng ransom at pagkatapos ay kinatay sa loob mismo ng Camp Crame.
“Corrupt to the core,” ang naging bansag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP.
Ang tugon ni Bato, binuo ang Counter-Intelligence Task Force (CITF) na mag-imbestiga sa mga corrupt at tiwaling pulis at kung guilty, tsugi sila sa serbisyo bukod sa kasong kriminal na isasampa laban sa kanila sa korte.
Malaking sampal sa pamunuan ng PNP ang mga krimen na kinasasangkutan ng ilang pulis-Caloocan. Una, sinibak ang chief of police na may ranggong senior superintendent (full colonel sa military) at ang hepe na isang chief superintendent (one star general sa military) ng Northern Police District (NPD).
Ngayon, buong pulisya na ng Caloocan ang sinibak sa puwesto dahil sapol ng CCTV camera ang panloloob at pagnanakaw ng mga pulis kasama ang isang kabataan sa bahay ng isang sibilyan. Hindi lang nakahihiya, nakatatakot na!
Ang NPD ay nasa ilalim ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na pinamumunuan ni Police Director Oscar Albayalde, kaklase ni Bato sa Philippine Military Academy (PMA) “Sandiwa” Class 1985.
Si Albayalde na mismo ang sumabak at pina-litan ang buong pulisya ng Caloocan.
Darating kaya sa punto na si Albayalde naman ang sisibakin sa kanyang posisyon dahil sa krimeng kinasasangkutan ng ilang tiwali at corrupt na pulis sa Metro Manila?
BAGO ‘TO
ni JB Salarzon