TATALAKAYIN ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng pamahalaan ng Filipinas ang usaping “land reform” at “national industrialization” bilang bahagi ng peace talks ng dalawang panig.
Mga isyung panlipunan at ekonomiya, ang sinasabi ng NDFP na “meat of the peace process,” ang nakatakdang pagtuunan ng pansin sa ikalawang bahagi ng peace talks na gaganapin ngayong 6-10 Oktubre sa Oslo, Norway.
Nagpanukala ng “framework and outline” para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), ang pangalawa sa prayoridad ng agenda ng peace talks na nakasaad sa balangkas ng kasunduan na itinakda ng The Hague Joint Declaration of 1992.
Ayon kay Alan Jazmines, isa sa mga consultant ng NDFP at vice-chairperson ng Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reform (RWC-SER) sa press release ng NDFP, noong 1998 ay gusto na nilang talakayin ang panukala ng NDFP ukol sa repormang panlipunan at pang-ekonomiya na saklaw ang land reform at national industrialization.
“After almost two decades and two major economic crises, the 1997 Asian regional crisis and the 2008 world financial crisis, the two panels have yet to discuss a key crisis-protection agreement,” ani Jazmines.
Dagdag niya, nagkaroon ng pagbabago sa draft ng CASER particular sa aniya’y paglala ng krisis sa ekonomiya na idinudulot ng mga bagong polisiya.
Ani Jazmines, pinauunlad ng sektor ng agrikultura ang industriyalisasyon ng bansa, habang dinedebelop ang agrikultura at napauunlad ang ekonomiya ng bansa.
Bukod sa land reform at national industrialization, ilan sa mga layunin ng CASER ay mapagtibay ang karapatan ng marginalized sectors; palakasin, protektahan, ipagtanggol, at paunlarin ang ekonomiya; at pangalagaan ang mga mana ng bansa at kapaligiran nito.
Nabuo ang panukalang ito ng NDFP sa tulong ng mga rebelde, mga organisasyon ng mga magsasaka at manggagawa, propesyonal, at mga “makabayang” businessman, ayon kay Randall Echanis, miyembro ng RWC-SER.
Kasama ang RWC-SER at NDFP, umaasa si Echanis sa determinasyon ng pamahalaan at ng NDFP na malutas ang mga suliranin ng dalawang panig.
Naganap ang unang bahagi ng peace talks nitong nakaraang 22-26 Agosto sa Oslo.
ni Joana Cruz