PINAYUHAN ni Sen. Juan Ponce Enrile si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag magdeklara ng Martial Law, sa weekly news forum na Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Maynila kahapon ng umaga.
“Biruan na lang ang Martial Law kung idedeklara ito ngayon,” komento ni Enrile.
Ito ay kasunod ng suhestiyon ni Dick Gordon na suspendehin ang Writ of Habeas Corpus, isang bagay na magpapahintulot sa awtoridad na mang-aresto ng mga sibilyan nang walang warrant of arrest, matapos magdeklara ng State of Lawless Violence si Pangulong Rodrigo Duterte makaraang magkaroon ng pagpapasabog sa Roxas night market sa Davao City.
Natakot ang ilan nang magdeklara ng State of Lawless Violence si Duterte, dahil inihalintulad nila ito sa Martial Law.
“Binura ni Cory ang power ng commander-in-chief under the Martial Law, kaya magdeklara man si Duterte nito, walang kabuluhan,” diin ni Enrile.
Ani Enrile, sinususpendi ang Writ of Habeas Corpus kapag may digmaan o rebolusyon sa bansa.
“Noong panahon namin, may rebelyon, droga, problema sa Mindanao,” paliwanag ni Enrile sa pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972.
Ayon sa defense minister noong rehimeng Marcos, “to maintain order, you have to suspend violence.”
ni Joana Cruz
Tatad: Walang personal na agenda
si Marcos nang ideklara ang Martial Law
TANGING ang estado ang responsable sa pagdedeklara ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Martial Law, ani Kit Tatad, public information minister ng administrasyong Marcos.
Bunsod ang pahayag ni Tatad ng panawagan ni Danilo Dela Fuente, isang “human rights victim” noong Marcos admin na kasalukuyang nagsusulong ng petisyon kontra pagbibigay kay Marcos ng hero’s burial, na matugunan ang R.A. 10368 o Reparation and Recognition of Victims of Human Rights Violations during the Marcos Regime.
Paglilinaw ni Tatad, hindi dapat si Marcos ang sisihin sa human rights violation kung hindi ang estado dahil aniya’y walang personal agenda ang dating pangulo sa pagdedeklara ng Martial Law.
Dagdag ni Tatad, kuwalipikadong ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng dating presidente, sapagkat siya ay naging sundalo at presidente. ( JOANA CRUZ )
Digong ‘wag padalos-dalos
— Enrile, Tatad
PINAYUHAN nina dating Senador Juan Ponce Enrile at Francisco ‘Kit’ Tatad si Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralang mabuti ang usapin ng territorial dispute sa West Philippine (o South China) Sea bago magbitaw ng mga kataga ukol sa isyu para matiyak na ang magiging desisyon dito ay para sa kapakanan ng sambayanan.
Ito ang naging reaksiyon ng dalawang dating mambabatas nang tanungin sa Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico, Malate, Maynila sa situwasyon ngayon sa pagitan ng China at Filipinas kaugnay ng sigalot sa territorial rights sa mga isla at atoll na matatagpuan sa WPS.
“He should study the situation first before voicing out his own opinion,” punto ni Enrile.
Inayunan ito ni Tatad na nagsabing noong panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, naging polisiya ng binansagang diktador na umiwas sa padalos-dalos na mga pahayag at deklarasyon at sa halip ay masusing pag-aralan ang lahat ng anggulo ng usapin para makabuo ng nararapat na aksiyon.
Sinundan ito ng dating senador, na dati rin naging kalihim ni Marcos, na kailangan tiyakin ni Duterte na ang anumang kilos o desisyon na kanyang gagawin ay hindi lamang naaayon sa kanyang nais o paniniwala kundi nakabatay sa kapakanan ng mahigit 100 milyong Filipino.
( TRACY CABRERA )