NANGANGAMBANG mawalan ng trabaho ang hindi kukulangin sa 100 empleyado ng Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo, kabilang ang ilang beterinaryo, kung matutuloy ang nauulinigan nilang pagbebenta sa makasaysayang pasyalan sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa ilang empleyado, isa-isa nang inililipat ang ilang kawani ng zoo sa iba’t ibang tanggapan kahit wala silang kaalaman at karanasan.
Nabatid sa panayam ng Hataw, isang beterinaryo ang iniwan sa Manila Zoo habang ang iba niyang mga kasamahan ay itinalaga sa sementeryo.
Bukod sa pagkawala ng mga dalubhasa sa pangangalaga ng zoo, nauubos din umano ang mga hayop na pangunahing atraksiyon sa 56-anyos na zoological and botanical garden sa bansa.
“Sospetsa namin, sadyang pinapapangit nila ang zoo at hinihintay maubos ang mga hayop para magkaroon ng dahilan para ipasara at kalaunan ay ibenta dahil prime lot ang kinatitirikan nito,” punto ng isang impormante.
Umaabot sa mahigit P50,000 ang presyo per square meter ng lupa sa nasasakupan ng Manila Zoo at Harrison Plaza sa Malate, Maynila.
Salungat ito sa naunang pahayag ng Manila Zoo director Albert De Chavez na layunin umano ni Estrada na gawing world-class ang Manila Zoo sa kabila ng kakulangan sa pondo at kagamitan.
“The local government is set to rehabilitate the zoo into a world-class recreational spot.
The rehabilitation of the zoo will be facilitated through a public-private partnership with Singaporean firm Metropolitan Zoo Incorporated,” ani De Chavez sa pagsasabing inilaan ang kabuuang halaga na umaabot sa P1.5 bilyon para sa proyekto.
“We are doing a complete overhaul. After this project, the zoo will not look anything like it is today,” aniya.
Ilang taon nang pinupuna ang pamamahala sa Manila Zoo dahil kitang-kita na kulang sa pag-aalaga ang mga hayop at napakarumi ng pasilidad at kapaligiran.
Tinugon ito ng tagapangasiwa ng zoo na gumagawa sila ng paraan upang maging komportable at mala-natural ang animal habitat, tulad ng pagdadagdag ng mga puno at halaman at pagpapalawak ng mga kulungan.
( Tracy Cabrera )