MAGKAKAROON ng tripartite agreement ang Filipinas, Malaysia at Indonesia para sa seguridad ng bahagi ng karagatan na sakop ng tatlong bansa, ayon kay press secretary Martin Andanar.
Inihayag ng kalihim sa linggohang Kapihan sa Manila Bay sa Café Adriatico sa Malate, Maynila sa pagtalakay ng kanyang misyon kamakailan sa Kuala Lumpur para makipagpulong kay Malaysian prime minister Najib Razak.
“Isa sa naging paksa ng aming usapan ang pagtatakda ng opisyal na sea lanes bilang bahagi ng dagat na nasa pagitan ng Sulu at Sulawesi. Kailangan ma-establish muna para magkaroon ng seguridad sa mga dumaraang barko at kalakal,” punto ni Andanar.
Ipinaliwanag niya na malaking isyu ang pagkakaroon ng seguridad dahil isang panganib na makaaantala sa paglago ng ekonomiya ng tatlong bansa, lalo’t ipinapatupad ang mga polisiya para sa Asian integration.
“Kapag nagkaroon tayo ng kasunduan, tiyak na makikinabang tayo rito dahil magiging ligtas at malaya ang kalakalan sa ating mga bansa,” idiniin ni Andanar.
Bukod dito umano ay magbibigay-daan ang pagkakaroon ng seguridad sa rehiyon sa pagbalangkas ng wastong solusyon sa problema ng terorismo, na ngayo’y lumalaganap sa ilang bahagi ng mundo dahil sa impluwensiya ng ISIS.
“Matutulungan tayo sa problema natin sa Abu Sayyaf at iba pang terrorist group na nagmumula sa kalapit nating bansa gamit ang ating backdoor,” ani Andanar.
ni Tracy Cabrera