KASUNOD ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order (EO) para sa Freedom of Information (FOI), ipinamahagi na sa lahat ng ahensiya ng gobyerno ang template sa pagpa-patupad ng nasabing batas.
Ito ang ibinalita ni press secretary Martin Andanar sa Kapihan sa Manila Bay sa Malate, Maynila para ipagbigay-alam ang sinseridad ng Pangulo na maging bukas sa puna at kritisismo ng publiko ang lahat ng sangay ng pamahalaan.
Kasabay nito, sinabi rin ng kalihim na simula na rin ang pag-overhaul ng government-controled media institutions na kinabibilangan ng Philippine Information Agency (PIA), Philippine News Agency (PNA), People’s Television (PTV) Network at Radyo ng Bayan.
“Kailangan nating maihatid sa mamamayan ang lahat ng mga kaganapan sa ating bansa dahil dito natin masusukat kung tunay na nagiging matagumpay ang ating mga programa para sa bayan,” punto nito.
Binigyang halaga ni Andanar ang pamamahagi ng impormasyon sa publiko bilang sukatan ng tunay na kalagayan at situwasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“Tulad sa digmaan sa Mindanao. Hindi tayo puwedeng dumepende lamang sa baril o sa ating militar. Kailangan natin ng information dissemination para malaman ng taongbayan ang pag-usad ng kapayapaan sa rehiyon,” aniya.
Sinabi ng kalihim, mahalagang makaabot ang impormasyon sa pinakamababang antas ng lipunan hanggang sa grassroots level.
“Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon din ng overhaul sa OPS (office of the Press Secretary) at Presidential Communications Office (PCO) at kung bakit parang mailap ako ngayon sa mga panayam ng media… kailangan ko kasing mapagana ang PIA, PNA at Channel 4 para maging lubos ang pagtupad sa kanilang mandato na magbigay ng impormasyon sa publiko,” ani Andanar.
Upang mabigyang-diin ang katuwiran sa likod nito, binanggit niya ang kakulangan sa gamit at pondo ng nasabing mga institusyon, tulad ng PTV4 na ang ilang estasyon ay matagal naipasara o kaya’y mahina ang transmisyon.
ni Tracy Cabrera