UMABOT sa 200 pamilya sa Baseco, Tondo, Maynila ang naapektohan nang pananalasa ng isang buhawi sa Maynila nitong Linggo.
Tumagal ng sampu hanggang 15 minuto ang pananalasa ng buhawi na nagsimula sa Block 1, Gasangan, hanggang sa Intramuros, tumawid ng Burgos at dumaan ng Lawton, sa likod ng Central Post Office hanggang Sampaloc dakong 5:00 pm.
“Nagulat na lang ako na may mga sumisigaw na may ipo-ipo. Kahit ako napatakbo. Nakita ko ‘yung ipo-ipo may tangay na yero o kayo,” ayon kay Chris Hispano, chairman ng Brgy. 649, Zone 68.
Habang may isang lalaking nasugatan ang kamay na agad binigyan ng lunas.
Ayon sa ilang residente, nagtakbuhan sila sa loob ng kanilang bahay nang makita nila ang isang malakas na hangin sa labas dahil sa takot.
Ilang puno sa Intramuros Maynila ang nabuwal dahil sa malakas na hangin na naging buhawi.
Ayon sa lokal ng lungsod ng Maynila, magpapadala sila ng mga pagkain at mga damit sa mga naapektohan ng buhawi.
ni LEONARD BASILIO