ARESTADO ang tatlong Chinese national na sinasabing sangkot sa pagbebenta ng droga sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Binondo, Maynila nitong Sabado ng gabi.
Nadakip ang mga suspek nang halughugin ng NBI Anti-Illegal Drugs Division ang bahay ng isang Shenghua Zang sa Attaco building, Sto. Cristo St., sa bisa ng search warrant.
Narekober sa nasabing bahay ang hindi bababa sa 10 pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Hindi pa rin nakikilala ang dalawang kasamahan ni Shenghua dahil hindi marunong magsalita ng English.
Isasailalim ang mga suspek sa tactical interrogation ng NBI.
( LEONARD BASILIO )
TSINOY TIKLO SA P2.8-M ECSTACY SA PASIG
ARESTADO ang isang Chinese-Filipino na hinihinalang supplier ng ecstacy sa Pasig City.
Nakuha sa posisyon ng suspek ang daan-daan ecstacy pills at marijuana leaves sa loob ng kanyang mismong condominium unit kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Pasig Police ang suspek na si Emilio Lim, habang inaresto rin ang girlfriend ni Lim na isang disc jockey.
Nakuha sa condo unit ni Lim sa 28th floor ang 500 ecstasy pills at ilang sachets ng marijuana na nagkakahalaga ng P2.8 milyon.
Ayon kay Southern Police District (SPD) chief, Senior Supt. Tomas Apolinario, isang hinihinalaang drug pusher na naaresto sa entrapment operation ang umamin na si Lim ang kanyang supplier.
Sinabi ni Apolinario, kanila nang tinutukoy ngayon kung gaano kalawak ang operasyon ni Lim.