DALAWA ang kompirmadong patay sa pagguho ng pader sa Oroquieta St., Old Bilibid Compound, Sta. Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Chief Johnny Yu, kinilala ang mga biktimang magkapatid na sina Argielyn Joy, 16, at Mary Verina 14-anyos.
Habang nasa 15 ang sugatan kabilang sina Rommel Ebio, 31, at Arnold Gomez, 35.
Ang magkapatid ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Habang isinusulat ang balitang ito, inaalam pa ang pagkakilanlan ng iba pang sugatang biktima makaraan mabagsakan ng konkretong pader sa Old Bilibid Compound dakong 8:00 am.
Iniutos ng Manila city hall na agad sagipin ang mga biktimang naipit sa pagguho, nagpadala ng 50 rescuers at iba pang emergency units upang asistihan ang mga apektadong pamilya.
Nabatid na gumuho ang isang pader sa likod ng Manila City Jail na may nakatayong mga barong-barong .
Bukod sa MDRRMO, tumulong din sa rescue operation ang Manila Community Response.
Maging ang Department of Health (DOH)ay nagpadala ng pitong ambulansiya gayondin ang Bureau of Fire Protection (BFP) at ang Manila Police District (MPD) ay nag-deploy na rin ng mga personnel para tumulong sa rescue operation, ayon kay Yu.
ni LEONARD BASILIO