PINAGSABIHAN ni Senador Antonio Trillanes IV si Budget Secretary Benjamin Diokno, na payuhan si Pangulong Rodrigo Duterte na magdahan-dahan sa pagbibigay ng pangako.
Tinukoy ni Trillanes ang pangako ng Pangulo na kanyang dodoblehin ang suweldo ng mga sundalo at pulis, simula ngayong Agosto.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Civil Service Government Reorganization and Professional Regulation na pinamumunuan ni Trillanes, sa panukalang Salary Standardization IV ng mga kawani ng gobyerno, inamin ni Diokno, na hindi nila maipapangako ang taas-suweldo ngayong Agosto.
Ayon sa kalihim, pinag-aaralan pa nila ang tatlong taon pograma para doblehin ang ‘take home pay’ ng mga sundalo, pulis, mga tauhan ng Coast Guard at mga bombero.
Inamin ni Diokno, wala silang budget para sa salary increase at kung may pagkukuhaan ng iba pang pondo ay hindi nila ito maaaring galawin nang walang pag-aapruba ng Kongreso.
Ikinagulat ito ni Trillanes dahil walang nabanggit si Duterte na tatlong taon programa.
Sinabi ni Trillanes, bilang dating opisyal ng Navy, hindi dapat pinaglalaruan ni Pangulong Duterte ang emosyon ng mga sundalo.
( CYNTHIA MARTIN )