NAKATAAS na ang tropical cyclone signal number two sa Batanes Group of Islands, habang signal number one sa Calayan at Babuyan Group of Islands.
Ayon kay PAGASA forecaster Meno Mendoza, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 235 km silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Nananatili ang lakas nitong 220 kph malapit sa gitna at may pagbugsong 255 kph.
Kumikilos ang bagyo nang pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.
Ngayong umaga, ang sentro ng bagyo ay inaasahang nasa 305 km hilaga hilagang kanluran ng Itbayat, Batanes.
Nagbabala ang PAGASA sa mga residente ng mga lugar na nasa ilalim ng signal warning, na mag-ingat dahil bukod sa malakas na hangin ay asahan din ang malalaking alon sa dalampasigan.
4 DOMESTIC FLIGHTS KANSELADO KAY BUTCHOY
KINANSELA ng airline officials ang ilang domestic flights dahil sa masamang lagay ng panahon sa Northern Luzon.
Ayon sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), kabilang sa cancelled flights ang Manila-Basco at Basco-Manila ng PAL Express at Sky Jet.
Layunin nang maagang kanselasyon na makaiwas sa inaasahang paglakas pa ng bagyong Butchoy ang ano mang sasakyang panghimpapawid.
Ito ay dahil nasa super typhoon category na ito at mapanganib sa ano mang uri ng sasakyan.
Payo ng MIAA sa apektadong mga pasahero, makipag-ugnayan sa mga airline company upang maitakda sa ibang araw ang biyahe o makuha na lamang ang refund sa ibinayad na pamasahe.