PINAL na ang kasunduan ng Iglesia ni Cristo (INC) at ng National Housing Authority (NHA) para sa isang “land swap agreement” sa Quezon City, nitong 29 Hunyo, Miyerkoles na magsasakatuparan sa mithiin ng Department of Education (DepEd) na magtayo ng karagdagang silid-aralan sa ari-ariang may lawak na 2,000 metro kuwadrado katabi ng Holy Spirit National High School.
Orihinal na pagmamay-ari ng INC ang nabanggit na lupa sa Barangay Holy Spirit, Quezon City at nakalaang pagtayuan ng gusaling sambahan ng mga kaanib ng Iglesia sa lokal ng Republic at lokal ng Riverside, ngunit napagtanto kamakailan na hindi sasapat ang sukat nito sa patuloy na paglobo ng mga kapanalig ng INC sa nasabing lugar.
Ang nabanggit na “land swap” ay tugon sa lumalaking pangangailangan ng Holy Spirit National High School sa karagdagang silid-aralan para sa mga estudyante nito sa senior high school.
Hindi naman umano makapagpatayo ang national government ng mga bagong classroom para sa mga tagaroong nagnanais makapag-aral nang libre dahil magkakalayo ang lupang pag-aari ng nasabing eskwelahan na aabot sa 2,000 metro kuwadrado ang lawak, at pinalubha pa ng kawalan ng pondong pampagawa sa nabanggit na kailangang pasilidad.
Inihayag ni Glicerio P. Santos IV, kinatawan ng INC sa negosasyon at paglagda ng kaugnay na kasunduan, ang saloobin ng Iglesia hinggil sa nabanggit na solusyon at kaparaanan.
“Lubos ang aming pasasalamat sa NHA at DepEd na nagbalangkas ng paraan at mungkahi sa INC na, hindi lamang tiyak na sasagot sa pangangailangan ng aming mga kapatid sa mga lokal doon kundi higit pang tutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral saHoly Spirit National High School,” ani Santos.
Dagdag miya, ito umano ang uri ng “public-private partnerships” na papakinabangan ng lahat ng kalahok at may-kaugnayang panig.
“Kapag tama ang pagsasagawa, ang mga kaparaanang ito ay maghahatid ng benepisyo sa libo-libong mamamayan, at buong-galak kaming makiki-ambag sa anomang hakbang gaya nito na nagnanais itaguyod ang pag-angat ng ating mga kababayan.”
Solusyon ito ng DepEd-NCR at ng National Government Center ng NHA na nagmungkahi sa INC noong 2014 ng solusyong nakaugat sa kasunduan sa lot swapping agreement upang maisakatuparan at tuluyan nang maisagawa ang planong pagpapalawak ng Iglesia.
Nauna nang naglabas ng resolusyon noong 10 Pebrero 2015 ang NGC na nagbibigay ng pahintulot sa mungkahing palitan ng lupang pagmamay-ari ng dalawang panig.
Bilang pagtalima sa kaugnay na probisyon ng Republic Act No. 9207 na nagbibigay pahintulot sa disposisyon ng mga bahagi ng lupa para sa kawanggawa, sa mga institusyong pang-edukasyon at pang-relihiyon para sa socio-civic at pansimbahang layunin, binili ng INC ang lupa matapos lagdaan ang Memorandum of Agreement kasama ang NHA bilang administrador ng lupang nabanggit.
Ang perang kinita ng gobyerno mula sa nasabing transaksiyon ay mapupunta sa proyektong pagpapatayo ng karagdagang silid-aralan.
Umaasa ang INC na sa hinaharap ay mas marami pang proyekto at makabuluhang pakikipag-ugnayan kasama ang pakikipagtulungan ng pambansang pangasiwaan at ng mga lokal na pamahalaan – habang pinapaigting ng Iglesia ang mga gawaing lingap sa mamamayang nangangailangan.
HATAW News Team