TUGUEGARAO CITY – Ipinagiba ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang bust o estatwa ni dating Sen. Juan Ponce Enrile na nakatayo sa harapan ng capitol grounds.
Isa ito sa mga unang atas ng gobernador sa kanyang pormal na pag-upo at pagdalo sa kanyang unang flag raising ceremony.
Nilinaw ni Mamba, hindi dapat dakilain ang dating senador dahil sa kahihiyang ibinigay nito sa Cagayan nang masampahan ng kasong plunder dahil sa pagkakasangkot sa PDAF scam.
Bukod dito, wala aniyang patumanggang pangingibabaw ng kultura nang walang napapanagot sa ilalim ng paghahari-harian daw ni Enrile at alipores ng dating senador sa lalawigan kaya’t naglipana ang isyu ng korupsiyon, katiwalian at karahasan.
Giit ng gobernador, buhay na buhay pa si Enrile kaya’t wala rin dahilan para patayuan siya ng rebulto gayong sa ilalim ng batas, tanging mga yumao na dinadakila ang dapat gawan ng estatwa.
Hindi aniya tama na maisusulat sa kasaysayan na dapat tingalain ang isang Cagayanong ipinahiya ang sariling lalawigan dahil sa malaking kaugnayan sa pandaramdong sa kaban ng bayan.
Ipinatayo ang nasabing rebulto noong 1984 sa ilalim ng panunungkulan ni Governor Justiniano Cortez.
Ayon kay Domingo Matammu, tumayong provincial administrator noong administrasyon ni Cortez, iniutos ng nasabing gobernador ang pagpapatayo ng rebulto bilang pasasalamat sa suporta ni Enrile.
Mahigpit na magkalaban sa politika noon ang kampo nina dating Gov. Teresa Dupaya at ni noo’y Defense Minister Enrile.
Sinasabing suportado ni dating First Lady Imelda Marcos at General Favian Ver ang mga Dupaya kontra sa kampo ni Enrile.
Sa maniobra raw ni Enrile ay nagawang maging gobernador ng lalawigan si Cortez.
Hinihintay ang magiging kasagutan ng mga Enrile sa ginawang pagtuligsa ni Gov. Mamba.