MAAARING sabihin na patapos na ang panahon ni Manny Pacquiao sa loob ng ring dahil sa kanyang pagreretiro. Ngunit hindi maitatanggi na siya ang mukha ng sports sa Filipinas.
Ang kanyang hindi mapantayang tagumpay sa larangan ng boxing ang nagtaas ng pamantayan sa kalidad ng mga atletang Filipino – ito ang kakayahang mapag-isa ang bawat Filipino tuwing tatapak sa bawat sulok ng ring.
Ngayon, maraming atleta ang sumusunod sa yapak ni Pacman na gustong makapag-uwi ng karangalan sa bansa at patutunayan iyan ng mga lalahok na Filipino sa pinakamalaking pagtitipon ng pinakamagagaling na atleta ng bawat bansa sa gaganaping Rio 2016 Summer Olympics.
Sa papalapit na Rio 2016 Summer Olympics na gaganapin mula 4-21 ng Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil, pito na ang nakakuha ng ticket para makalahok sa Olympics.
Sina Rogen Ladon at Charly Suarez na magiging kinatawan ng Filipinas sa larong boxing.
Ang beterang Olympian na si Hidilyn Diaz ay muling sasabak sa larangan ng weightlifting sa ikatlong pagkakataon.
Ang SEA Games gold medalist na si Eric Clay ang lalahok sa athletics para sa Filipinas.
Sa mundo ng table tennis, hindi magpapahuli si Ian Labira dahil siya ang kauna-unahang Filipino na lalahok sa nasabing sports samantala si Kristie Elaine Alora ang tanging susubok makakuha ng medlaya sa Taekwando.
Sa larangan ng larong golf, patutunayan ni Miguel Tabuena na makapag-uwi ng medalya para sa bansa.
Kung basketball ang pag-uusapan, ang Gilas Pilipinas ay naghihintay ng pagkakataon na makakuha ng ticket sa gaganaping Olympics kung mapagtatagumpayan nilang talunin ang koponan ng France, Turkey, New Zealand, Senegal at Canada.
Ang FIBA Olympic Qualifying Tournament ay gaganapin sa Mall of Asia (MOA) Arena mula Hulyo 5 hanggang 10.
Inaasahang marami pa ang mga manlalarong Filipino na makakalahok sa Olympics ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) vice president Joey Romasanta.
Noong nakaraang dalawang Olympics, 15 delegado ang ipinadala ng Filipinas sa Beijing 2008 Olympics habang 11 delegado naman ang lumahok sa London 2012 Olympics.
Inaasam ng lahat na masusundan ang medalya ng Filipinas mula sa pilak na medalyang iniuwi ni Mansueto “Onyok” Velasco nang lumahok sa Atlanta Games noong 1996.
( ARIES FALLORINA )