SIMULA nang pumasok ako sa mundo ng pamamahayag ilang beses ko na narinig ang, “Mass Comm? Mas komportable sa bahay,” kadalasan pa sa mga kamag-anak.
Walang bahid ng pagbibiro, at kung mayroon man, alam kong gusto nilang sabihin sa akin na dapat kursong kompyuter na lang ang kinuha ko sa ngalan ng praktikalidad.
Bukod pa roon, marami na rin ang nagpahiwatig sa akin na madali ang propes-yong pinapangarap ko: na nagtatapos ang trabaho ko sa pagpapasa ng artikulo sa tamang oras.
Isa pa, batiin ko raw sila kung sakaling makapasok ako sa telebisyon.
Pero sa totoo lang, hindi ko pinasok ang industriyang ito upang mag-astang prima donna—upang makakuha ng eksklusibong tiket sa mga konsiyerto, o sa press conference ng prominenteng tao.
Ang responsibilidad ko ay higit pa sa pagsusulat ng ini-utos sa akin; ang responsibi-lidad ko ay higit pa sa pa-kikipagkilala. Hindi ako politiko o artista; isa akong mamamahayag.
Sabi nga ng isa sa mga tinitingala kong mamamaha-yag na si Joel Salud, kung gusto ng isang estudyante ng propesyong may pangakong malaking sahod, iwasan ang Journalism.
Sa itinagal niya sa lara-ngan, hindi pa raw siya nakapagpundar ng sasakyan.
Ilang manunulat at mamamahayag na rin ang napakinggan ko sa mga seminar, at pare-parehas lang ang sinasabi nila: Dito, magtatagal ka lang kapag gusto mo ang ginagawa mo.
Bilang isang miyembro ng lipunang nakatatamasa ng pribilehiyong makapag-aral sa kolehiyo nang ginusto kong kurso, layunin kong gamitin ang mga nalalaman ko sa paraang mayroon akong may maiimpluwensiyahan at ma-tutulungan.
Nandito ako sa posisyon kung saan maraming maka-ririnig o makababasa sa gusto kong iparating. Bilang isang mamamahayag, hindi lamang ang karangalan ng byline ang makapagpapasaya sa akin.
Nais kong mapakinggan ang istorya ng bawat tao—mga istorya nilang magbubukas sa aking mga mata sa realidad, mga istorya nilang lalong maghihikayat sa akin na gampanan ang tungkulin ng isang tunay na mamamahayag.
Ang pamamahayag ay hindi lamang isang pangngalan.
Ito ay isang responsibilidad: responsibilidad na ilantad ang katiwalian saan man ito makita. Kaakibat ng res-ponsibilidad na ito ang mga banta sa buhay ng isang mamamahayag.
Ngunit sa kagustuhan na makapagbigay ng impormasyon, tuloy pa rin at makakalimutan ang death threat. Hindi alintana na isang piraso lang ng pan de sal ang nakain sa almusal.
Ilang taon mula ngayon, sasabihin ko sa tiyahin ko na masaya akong Mass Communications and landas na tinahak ko.
Sasabihin ko sa kanya, bagsak ang katawan ko sa pagod at hindi rin ako ganoon kayaman pero Mass Com. ako: mas komportable dahil gusto ko ang ginagawa ko.